




Edukasyon sa Pagpapakatao)
Ang tunguhin o ”outcome” ng pag-aaral sa batayang edukasyon ay ang panlahatang pag–unlad taglay ang mga kasanayan sa ika–dalawampu’t isang siglo. Taglay ito ng isang mag-aaral kung mayroon siyang mga kakayahang pangkaalaman, pandamdamin at pangkaasalan na magbibigay sa kanya ng kakayahan upang:
1. mamuhay at magtrabaho
2. malinang ang kanyang mga potensiyal
3. magpasiya nang mapanuri at batay sa impormasyon
4. makakilos nang epektibo sa lipunan at pamayanan sa konteksto ng sandaigdigan upang mapabuti ang uri ng kanyang pamumuhay at ng kanyang lipunan (Literacy Coordinating Council, Setyembre 1997).
Ibinatay ang kahulugan at ang limang palatandaan nito sa Apat na Batayan (Pillar) ng Edukasyon at sa konsepto ng UNESCO tungkol sa mga panghabambuhay na kakayahan (life skills) na binuo ng International Commission on Education para sa ika-21 siglo. Ang sumusunod ang limang palatandaan nito: (a) may kakayahang makipagtalastasan, (b) nag-iisip nang mapanuri at may kakayahang lumutas ng suliranin, (c) ginagamit ang mga likas na yaman nang mapanagutan para sa susunod na salinlahi at (d) produktibo, napauunlad ang sarili at ang pakikipagkapwa, at (e) may malawak na pananaw sa daigdig.
Sa Edukasyon sa Pagpapakatao (EsP), ang palatandaan o batayang kakayahan ng functional literacy ay nagpapasya at kumikilos nang mapanagutan tungo sa kabutihang panlahat. Ibig sabihin, nilalayon ng EsP na linangin at paunlarin ang pagkataong etikal ng mag-aaral. Ang EsP ay naglalayong gabayan ang mag- aaral na mahanap / matagpuan ang kabuluhan ng kanyang buhay, ang papel niya sa lipunang Pilipino upang makibahagi siya sa pagtatayo ng pamayanang pinaiiral ang katotohanan, kalayaan, katarungan at pagmamahal. Upang maipamalas ito, kailangang taglay niya ang limang pangunahing kakayahan (macro skills)*: pag-unawa, pagninilay, pagsangguni, pagpapasiya at pagkilos.
1. Pag-unawa. Mahalagang maipamalas niya ang kakayahang mahinuha ang mga konsepto at prinsipyong nagbibigay-paliwanag sa sariling karanasan, mga sitwasyong namasid, sinuri at pinagnilayan gamit ang obhektibong pamantayan ng moral na pamumuhay.
2. Pagninilay. Sa gitna ng mabilis na daloy ng impormasyon at ingay ng kapaligiran, kailangang mag-ukol ng panahon ang mag-aaral sa maingat at malalim na pag-iisip sa mga sitwasyong naobserbahan at mga konseptong natutuhan tungkol sa moral na pamumuhay.
3. Pagsangguni. Kailangang humingi siya ng payo o gabay sa mga taong may higit na kaalaman o kasanayan sa moral na pamumuhay at marunong magsala (weigh) ng mga impormasyong mula sa iba’t ibang uri ng media batay sa obhektibong pamantayan ng moral na pamumuhay.
4. Pagpapasiya. Kailangang matuto siyang bumuo ng sariling posisyon, paniniwala, paninindigan o kilos na isasagawa batay sa obhektibong pamantayan ng moral na pamumuhay.
5. Pagkilos. Mahalagang mailapat niya ang konsepto o prinsipyong nahinuha mula sa mga konkretong sitwasyon ng buhay at maipakita ang kahandaang isabuhay ang mga mabuting ugali (virtues) na natutuhan batay sa obhektibong pamantayan ng moral na pamumuhay.
Ang mga pangunahing kakayahang ito ay nililinang sa apat na tema sa bawat taon sa paraang “expanding spiral” mula Kindergarten hanggang Grade 12. Ang sumusunod ang apat na tema: (a) Pananagutang Pansariliat Pagiging Kasapi ng Pamilya , (b) Pakikipagkapwa at Katatagan ng Pamilya, (c) Paggawa Tungo sa Pambansang Pag-unlad at Pakikibahagi sa Pandaigdigang Pagkakaisa, at (d) Pagkamaka-Diyos at Preperensya sa Kabutihan. Pitong pangunahing pagpapahalaga (core values) ang nililinang sa mga temang ito: Kalusugan at Pakikiisa sa Kalikasan, Katotohanan at Paggalang, Pagmamahal at Kabutihan, Ispiritwalidad, Kapayapaan at Katarungan, Likas-kayang Pag-unlad, Pagkamaka-Pilipino at Pakikibahagi sa Pambansang Pagkakaisa (Values Education for the Filipino: 1997 Revised Version of the DECS Values Education Program, ph. 10-11).
